Sunday, October 9, 2011

Ang Batang si Gelai at ang Laro ng Kahapon at Ngayon

“Langit lupa saan ka bababa? Sa im sa im sa impyerno, dle ako sa impyerno kay mainit ang kalayo. Saksak puso mitulo kung kinsay matudloan alis ka na dyan”
    Alam kong  pamilyar sa inyo ang mga katagang nabanggit sa itaas. Iyon ay wikang bisaya na may halong Filipino. Nakatutuwang isipin na hanggang ngayon ay nasa isipan ko pa rin ang mga linyang ginagamit namin sa tuwing naglalaro kami. Hindi   ko pa lubos malimutan ang mga masasayang alaala ko noong wala pa akong  kamalay-malay sa gulo ng mundo. Ikaw, naaalala mo pa ba ang mga kakulitang pinaggagawa mo nang bata ka pa? Heto ang isang kwento ng isang paslit na si Gelai.
    Bata pa si Gelai noon, pero bata pa rin naman siya ngayon. Ang ibig kong sabihin, bata pa siya, yung batang bata pa talaga. Tatlong taon lamang siya noon, baby pa ang nakababata niyang kapatid  kaya hindi pwedeng yayain niya upang maglaro ng bahay-bahayan. Sa totoo lang, mabait siyang bata, anak, kapatid at apo. Hindi siya lumalabas ng bahay, doon lang siya sa kwarto at tahimik na naglalaro ng kanyang mga manika. Halos araw-araw ay paglalaro lang sa mga manika ang alam niyang gawin, marami kasi siyang manika, may maliliit, malalaki at matitibay pa. Lahat ng iyon ay kanyang sinira. Bakit? Wala lang, aayusin niya rin naman pagkatapos.
    Mahal niya ang kanyang mga manika, kaya nga halos maiyak siya nang iwan niya ito sa bahay. Gusto niyang dalhin iyon pero bawal daw iyon sa paaralan. Mag-aaral na siya. Apat na taong gulang pa lamang siya nang pag-aralin siya ng kanyang mga magulang. Mabilis siyang natuto, hindi lang sa mga leksyon gayundin sa mga larong pambata. Sa pagdaan ng mga taon ay halos hindi niya na ata mabilang ang mga larong nakagiliwan niya.
    Ang larong “dakop-dakop” ang unang laro na natutunan niya nang tumuntong siya ng paaralan. Ito ay binubuo ng dalawa hanggang kung gaano kadami ang gustong sumali. Isa ang taya nito, at kung sino ang mahuhuli ay siya naman ang susunod na taya. Madali lang diba? Mas madali kung isasalin ito sa salitang Filipino. Habulan ito sa karamihan ngunit mas maganda kapag  tatawagin itong dakp-dakop  dito dahil ito ang katawagang kinalakihan niya na mga kaklase at pinsan ang kadalasan niyang mga kalaro.

    Dampa, winner, aswang-aswang at marami pang uri ng laro ang umuso noong nasa Grade 1 pa siya. Siyempre, ang jackstone ang hindi niya pakakawalan. Noon hindi niya alam kung paano gagawin ang level 9, kaya pagkatapos ng level 8 ay deretso agad siya  sa level 10. May mga laro ring hindi niya mahulaan ang pangalan, iyon bang maglalagay ng pulbo sa mukha ang mga kunwari ay aswang at sila namang nanganganib daw ang buhay ay tatakbo patungo sa likod ng pisara at doon magtatago. Saktong pag-atake ng mga aswang, bilang depensa sa kanilang mahal na buhay, siyempre tatadyakan at papaluin nila ng buong lakas hanggang mauwi sa sapakan at awayan.
    Pagsapit niya sa ikaapat na baitang, bagong laro naman ang kinagiliwan niya. Kung tutuusin nga, luma na iyon. Basta bago pa rin para sa kanya kasi doon siya unang napahiya. Nahihiya pa rin siya ngayon sa tuwing umeeksena ang pangyayaring iyon. Ganito kasi iyon. Talagang nahihiya pa talaga siya. Turno na niya  para abutin ang napakataas na Chinese garter. Hawak-hawak ng mga kamay niya noon ang kanyang palda, nakalimutan niya kasing magsuot ng short. Habang siya ay nasa ere at nagpapakita ng kahanga-hangang talon ay nakalimutan ata ng mga kamay niyang kumapit sa kanyang palda. Kaya mismong paglanding niya  sa lupa ay nakita nila. Oo, nakita nga nila, ng mga kaklase niya, kaibigan at mga kalaro, buti nalang hindi nakita ng crush niya. Kahit nakita nga nila, wala na siyang magagawa. Kasi nakita na nga nila ang panty niyang may larawan ng isang bulaklak.
    Ang pangyayaring iyon ay hindi nagiging hadlang para huminto siya sa paglalaro ng iba pang mga larong kinagigiliwan ng mga bata. Ilan sa mga ito ay ang larong “patintero”, ang larong ito ay kabilang sa mga Larong Pinoy. Ito ay pwedeng laruin kung saan basta may linya lang na babantayan ng tayang grupo at depende kung ilan ang magiging miyembro sa isang kuponan. Minsan niya itong nilaro noong nasa unang taon pa siya sa high school, Palakasan sa kanilang paaralan noon nang sumali siya sa isang kuponan o team, naging mainit ang labanan nang nasabunutan nang miyembro ng tayang kuponan ang ibang kalahok, biglang nagalit ito at naging sanhi ng away pero sa huli ay naging friends pa rin ang mga ito at ang team nila ang nanalo. Para sa kanya ay yun ang pinaka-di malilimutang ala-ala niya nung nasa high school pa lang siya.
Sa ngayon ay hindi na siya nakakalaro ng mga kinagigiliwan niyang laro noon, hindi dahil sa hindi na niya gusto kundi dahil wala na siyang oras para maglaro puro study lang ang inaatupag niya di gaya noon na malaya siyang nakakapaglaro.
    Sa ating henerasyon ngayon, marami nang nagbago pati mga laro ay malaki na ang pinagbago, sa bawat taong lumipas ay nawawala na rin sa uso ang mga laro noon, minsan nalang natin makikitang may naglalaro ng mga paboritong laro ng mga kabataan. Karamihan ay iba na ang nilalaro dala na rin ng pagkahigh-technology ng ating mundo ngayon, ilan sa mga ito ay mga gadget na may mga laro na patok na patok sa mga kabataan ngayon kabilang na ang “gameboy, brick game, psp, play station, xbox, computer games at marami pang iba dahil hindi ko naisaulo ang mga ito sapagkat napakarami na.
    Isa sa mga computer games na kinababaliwan ng mga bata, binata, dalaga at maging ng mga matatanda ay ang larong tinatawag na “DOTA” o Defense Of The Ancients, napaka popular ng larong ito, ang iba ay hindi na kumakain basta makapaglaro lang nito at yung iba naman ay nangungutang pa para may pambayad sa oras at ang masaklap pa ay napipilitang magnakaw sa nanay para lang sa bisyong ito. Tinawag na rin itong bisyo dahil nga sa epekto nito sa mga naglalaro nito, kung ang pag-inom ng alak ay nakaka adik, aba’y mas grabe ang tama nito. Ito ay nilalaro ng dalawang kuponan na ang Scourge at Sentinel , ang masama at mabuti, bawat manlalaro ay pumipili ng tinatawag nilang “hero”. Dapat piliin mo ang pinaka malakas na hero mo upang manalo ka pero hindi medaling manalo kailangang magaling ka sa larong ito dahil kung hindi siguradong talo ka at dapat ring tandaan na dapat magaling ka rin sa Farming o pagpaparami nag Gold mo na pambili ng magagandang mag “items” at kapag maganda na ang mga items mo, sigurado na ang panalo mo. Pero tandaan ang larong ito ay nakaka-adik dapat mag isip-isip ka muna bago ka pumasok sa bisyong ito at dapat ang pag-aaral ang atupagin sa lahat ng oras para na rin sa ika-uunlad ng ating sarili.
    Malaki talaga ang pinagkaiba ng mag laro noon kaysa laro ngayon pero mas maganda pa rin mga laro noon sapagkat gawang Filipino talaga ang mga ito di gaya ngayon na mula pa sa ibang bansa at masama pa ang dulot sa kinabukasan ng ating kabataan.

No comments:

Post a Comment