Monday, October 10, 2011

Ang mga Laro ng aking Nakaraan at ng sa Kasalukuyan

Sabi nila, masarap daw balik-balikan ang mga dating pagkakataon na tayo ay naging bata. Iyong mga matatamis at magagandang alaala ng ating kahapon kung saan, masasabi nating, “Sana maulit muli.” Pero siyempre, lahat tayo ay tao lamang kung kaya’t hindi nating magagawang ibalik ang minsan ay nakaraan at lumipas sa yugto ng ating buhay.  Naisip ko tuloy kung ano kaya ang mga nagawa ko noong kabataan ko kung ikukumpara ko ngayon sa kasalukuyan. Kung ano ang naging tanging laro ko sa buhay noon kung ihahalintulad sa ngayon.
    Sa maraming pagkakataon sa buhay ko, minsan, kung hindi lang ako pati din kayo, ay nararanasan natin ang mapag-isipan ang mga nakalipas na laro sa bawat isa sa atin. Ang tanong ko, ano nga ba ang naging laro ko noon? Kung ano mga naging laro ko ngayon at kung meron bang pagkakapareho sa dalawa o wala. Nang sinimulan ko ng lakbayin ang distinasyon ng aking patutunguhan papunta sa aking nakaraan, marami akong pwedeng sabihin at higit sa lahat, marami akong pwedeng ibahaging kwento sa lahat ng taong may interes na gustong malaman ang nakalipas ko. Sa totoo lang kasi, noon siyempre dahil bata pa tayo ay wala pa tayo sa hustong pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay na pwedeng pag-ukolan ng pansin. Dahil nga sa bata pa tayo ay hindi natin nagagawa minsang natutuhang pahalagahan ang mga importanteng bagay tulad ng ating kinabukasan, kahit ang oras ‘di ba? Pero siyempre dahil ‘yon ay bata pa tayo kaya ‘di natin minsan naaalala ang mga bagay na ‘yon. Tama ba? Hindi sa pagiging pilosopo, kundi ‘yon naman talaga ang totoo ‘di ba?
    Noong mga panahon na minsan ako’y musmos pa lang ay marami akong mga hindi kanais-nais na gawain na nagawa ko noon.  Tulad ng hindi ko pagsunod sa mga utos ng aking mga magulang at marami pang iba dahil nga inuuna ko muna iyong laro ko. Mayroon talagang mga bagay sa bawat buhay natin na minsan ay pinapabayaan at kung minsan pinapagkibit-balikat natin ito at hindi na rin binibigyan ng importansya kailanman dahil sa paglalaro. Ang mga bagay na ito, halimbawa, paggawa ng mga nakalaang asignatura o hindi kaya’y pagbabanat buto para sa pag-aaral ‘di ba? Iyon ang mga dating nagawa ko noong kabataan ko at kailanman ay hinding-hindi ko ito ipagkakaila at idedeny sa buong madla. Ngunit, hindi rin naman ibig sabihin noon ay puro laro nalang talaga ang inaasikaso ko. Siyempre, kahit papaano ay sumusunod din ako sa mga tamang bagay na tinuturo sa akin. Sa katunayan nga niyan ay natatawa nga ako ng binalikan ko ‘yong mga dating gawi ko sa buhay.
    Ngayon naman ay atin nang puntahan ang orihinal at totoong aktibidadis sa gawaing ito. Sa totoo lang, noong maliit pa ako ay masyado talaga akong makulit at bibong bata, maraming mga larong pambata ang nilalaro ko noon tulad ng chinese garter. Kung hindi niyo man napapansin ay kayang-kaya ko ang mga larong pambabae at ito talagang larong ito ang siyang kauna-unahang laro na natutunan kong laruin dahil sa mga naging close friends ko na mga babae noon sa elementarya. Noong una, hindi talaga ako marunong maglaro ng chinese garter. Ngunit dahil sa pursigido akong matutunan ang larong pambatang ito at upang hindi ma-out-of-place o OP kaya ko pinagpraktisan ang gawaing ito sa bahay. Bago ko matutunan iyon ay dumaan muna ako sa butas ng karayom para magawa ko nga ang larong ito. Sa totoo lang, marami akong natamong sugat sa binti nang dahil lamang sa mga stunts na dapat gawin sa chinese garter, alam mo ‘yong ibig kong sabihin, ngunit konti lang naman hindi bonggang-bongga na as in talagang kailangan ko na ng ospital. kaya makaraan ang ilang araw ay nagawa ko na ang hindi ko kayang gawin noong una. Ika nga, practice makes perfect, pero para sa akin ‘di naman ‘yon perfect na as in to the highest level na talaga. Sabi nga ng mga kaklase kong babae na humanga sila dahil sa kasipagan ko, oh, ano laban ka? Biro lang.
    Bagkus sa pagiging magaling sa chinese garter este sa marunong pala maglaro ay meron pang mga laro na alam ko. Huwag dapat kalimutan ang jackstone. Ang jackstone lang naman ang isa sa mga laro na alam ko at gusto ko hindi dahil ito’y pambabae kundi dito, komportable akong laruin ito. Kahit nga ang mga barakong kalalakihan sa silid-aralan namin ay nilalaro ito, ako pa kaya. Wheeh!, pang-unibersal kaya ang larong ‘to. Sa katunayan nga niyan ay ginaganahan ang mga kamay ko sa paglalaro nito. Isa rin sa mga hindi ko malilimutang laro na hanggang ngayon ay kinaiingitan ko ay iyong tago-tagoan. Magaling ako diyan. Marami ngang bersyon ang larong iyan kaya ‘di ko nalang babanggitin lahat. Naaalala ko rin iyong hulian o kung sa bisayang katawagan ay “dakpanay”. Pabilisan lang naman iyan ng takbo upang ‘di ka mahuli. Ngunit dahil sa pagod sa kakatakbo ay mahuhuli ka rin siyempre. “Lisud pud ug dili”. Hahahaha!.
    Marami talagang mga larong pambata na naaalala ko noon na nilalaro ko gaya ng patintero, “labay lata”, Good morning Mickey Mouse!, bahay-bahayan, paggawa ng ‘luthang’, slipper game at marami pang iba. Pero meron ding mga laro noon na hindi ko kayang laruin ngunit nagagawa naman ng ibang bata. Gaya lamang ng larong takyan na gamit ay puro paa lang, pagpapaikot ng “kasing”, pagpapalipad ng saranggola at marami pang iba.
    Ngayon, daanan naman natin ang kasalukuyang laro ko. Nang dumating ako sa yugto ng buhay ko kung saan ako’y naging tinedyer, natuto akong maging mature enough sa mga laro ko. Ngayon ay naging mapili na rin ako sa mga isports na aking nilalaro. Kung ikukumpara noon, hindi ko na nalalaro ang mga pambatang laro. Ngayon, gaya na lamang ng badminton. Alam niyo ba na ang badminton mismo ang naging kauna-unahang laro na nagustuhan ko at ‘di naglaon ay naging paborito ko na rin. Nagsimula kasi ang kasanayan na iyan noong hayskul ako. Hindi ko pa masyadong napapansin na gusto ko pala ang iyon pero gaya ng sabi ko, kalaonan ay naging paborito ko na siya. Isa rin sa nagbibigay aliw sa akin ay ang volleyball. Hindi ako masyadong magaling sa volleyball pero kaya ko naman. Iyon nga lang minsan na didismaya ako dahil masakit talaga siya sa kamay. Maliban sa dalawang ito, naglalaro din ako ng mga computer games tulad ng PC games, Gameboy SP, at konti lang naman sa online games. Kaakibat nito, natuto na rin akong pansinin ang Friendster noon pero naging Facebook ngayon. Hindi ako mahilig sa Twitter at marami pang iba. Kung sa eskwelahan din naman, sumasali ako sa mga aktibidadis tulad ng mga espesyal programs. Isa sa mga gustong-gusto kung gawaing pang-eskwelahan ay ang pagsasayaw at hindi ko naman gusto ay ang pagsusulat. Hay na ko! Buhay nga naman, maraming pagpipilian. Pero magiging boring din naman ang buhay kung walang tough choices ‘di ba? Ang lungkot-lungkot siguro kung iisipin mo.
    Nang binalikan ko ang mga laro ko noon at inahahalintulad ko ngayon, masasabi ko na malaki talaga ang pagbabagong naganap at nangyari. Noon, masaya ako sa mga larong pambata. Pero ngayong naging tinedyer ako, siyempre pwede ko pang balikan ang dating nakalipas pero parang hindi angkop tingnan para sa sarili ko kaya nakikibagay na ako sa mga dapat laruin ng gaya ko. Sa dalawa, meron talagang pagkakaiba pero bawat isang yugto ay nakapagbigay sa akin ng saya at nagpapasalamat din ako dahil naranasan ko ang pagiging bata dahil sa mga larong ito. Kaya nga hindi ako nagsisisi na sinunod ko ang katagang “Live life to the fullest”. I-enjoy lamang natin ang buhay para buhay ay laging masaya.

No comments:

Post a Comment