Sunday, October 9, 2011

Barilbarilan at Lutulutuan

Anong laro ang uso sa panahon mo? Noong mga panahong bata ka pa? Noong bata pa tayo? Naging makabuluhan ba sa’yo ang kabataan mo? Wala naman sigurong ni-iisang tao sa mundo ang lumaki nalang bigla at tumanda na di man lang nakakaranas ng pagkabata, dahil iisa sa atin ay dumanas at sanay naging masaya ang mga panahong tinatawag kung “pinakamasayang yugto ng buhay”. Kaya naman, kung ako ang sasagot sa mga katanungan, eh, syempre naging masaya at talagang sobrang masaya ako sa mga panahon na parang wala pa akung paki-alam sa mundo.
Bahagi ng buhay ng isang batang pinoy ang makipaghalubilo at magsaya kasama ang mga masisiglang batang nakapaligid sa kanila. Puno ang isipan ng kasiyahan, kakulitan at iba’t ibang katangian na dapat ay maranasan ng isang bata. Kung sa madaling salita, ang isipan ng isang bata ay puro “LARO”. Hindi man lahat ng kabataan sa mundo ay may mga magagarang gamit sa paglalaro kung ikukumpara mo sa mga batang “first class” o kaya mga batang may “made in china and united states”, kahit gaano pa kahigpit ng magulang na ang gusto lang ay puro notebook at libro lamang ang kakausapin, hahanapin parin ng isang batang bibo ang paglalaro kahit sa konting panahon lang. Samahan mo lang ng masisigla at masasayahing bata, “perfect place” ika nga, magandang sikat ng araw at kahit katamtamang ulan, PERFECT! Oo, katamtamang ulan lamang dahil mahirap din naman maglaro sa oras ng bagyo. Umulan o umaraw man, walang tigil ang laro kapag nag-eenjoy na kayo. Maliban nga lang sa sigaw ng inay at sa palo ni tatay. Kahit anung laro man ang mapagtripan, kahit mauwi na sa suntukan kapag nagkapikunan, hindi ka matatawag na bata kung hindi mo man lang nasubukan maglaro ay magsaya mula sa mga larong nakagisnan. Ilan  na nga nito ang barilbarilan at lutulutuan sa mga larong aking kinalakihan. Nakakatuwang mga laro peru oo, nilalaro ko ang mga ito at maraming mga dahilan kung bakit ang dalawang ito ang paborito ko. Ito ang mga larong minsan na akung napatawa, pina-inis, at kahit humandusay sa sahig sa kakaiyak, ito ang mga larong masaya ako na ito ay aking napagdaanan at kahit kailan man, hanggat sa aking pagtanda, ay ito ang larong hindi ko pagsasawaan. Promise!


    Lutulutuan o “cooking game” ika nga sabi ng mga englisira ay isa sa mga laro na talagang tumatak sa buhay ko noong kabataan ko. Dati pa lang gustong gusto ko ng maging isang “chef”, hindi sa mga karenderia lang kundi gusto ko diretso sa mga malalaki at mga bigatin na mga restawrant sa mundo. Ambisyosa diba?! Sabihin mo man na sobrang nananaginip ako, peru totoong pinapangarap ko iyan. Tuwing pasko at kaarawan ko nga eh, gusto ko binibigyan ako nga mga “paraphernalia” para sa larong ito. Minsan, kontento na ako kahit ako lang mag-isa ang naglalaro. Ako ang tagaluto, waiter, tagabili at kahit pagiging tagalinis daw eh, ako parin. Ang sipag ko diba? Binato ko nga ng tsinelas kapatid ko noong tinawanan at inasar niya akong sira ulo kasi nga daw ang dami kong “role” na ginagampanan “with all the script” pa. Kulang nalang daw maging  “best actress” nalang daw ako. Peru mas masaya parin yung madami kang kasamang naglalaro kesa sa mag – isa ka lang na paliwanag nga ng kapatid ko ay para na akong sira ulo. Dati kasi ako lang batang babae sa bahay namin. Dalawa ang lalaki –kuya ko, peru talagang kapatid siya ng mama ko at yung kapatid ko na tinawag akung sira ulo. Loko yun ah! Dati kasi, hindi kami pinapayagan na lumabas mula sa kulungan, yung bahay namin, kaya yung mga kababata ko ang pinapapasok sa amin. Halos araw-araw nga eh, parang may “children’s party” dahil sa rami ng mga batang pumapasok, at araw-araw din silang pinapamerienda ng lola ko dahil di naman pwedeng ako lang ang kumain kapag nagugutom na mga alaga ko. Parang DAY CARE CENTER lang ang eksena noh? Simula noong pinagawan ako nga lolo ko ng munting bahay na ginawa din naming munting restawrant, ay pati kapatid kong lalaki na noon ay inaasar ako ay ngayon ay nakikipaglaro na din sa amin. Kasama pa yung ibang mga kababatang lalaki, hindi lang mga babae namin ay di na rin nakatakas sa kasiyahan na naidudulot ng larong ito. Dumami yung mga nakikipaglaro sa akin at ako’y sobrang nasiyahan doon. Sa sobrang saya kahit anu – ano nalang ang mga naiisipan naming iluto. Minsan nga yung kapatid ko na sira ulo din pala ay ginawang “soup” ang crayons na bagong bili ng mama ko at kahit nga kandila na nakatirik sa altar sa bahay ay hindi niya pinalampas. At kinabukasan, may PATAY!!! Patay ang aso namin. Yun pala ay ginawang costumer ng kapatid ko ang aso, kung saan ang aso daw ang bumili ng “crayon at candle soup” na inihanda niya. Hahahaha! Nakakatawa! Oo, talagang nakakatawa dahil tatlong araw kaming di pinayagang makapaglaro ng dahil sa kapatid kong tinatawag akong sira ulo, eh, siya din naman pala. Hindi hamak, magkapatid talaga kami! Dami kong masasayang alaala ng dahil sa larong ito na hanggang ngayon nga eh, nilalaro ko parin.
At ang mga masasayang pangyayaring ito ay talagang hindi ko makakalimtuan hanggat sa panahon na mapapasa ko ito sa magiging mga anak ko.
Ito din ang dahilan kung bakit napag-isipan ko na kung makapagtapos na ako sa kolehiyo ay talagang mag-aaral ako ng pagluluto at ito ay aking maipagmamalaki sa ibang tao at kung papalarin ay sa buong mundo na rin.
    Barilbarilan, ang isa din sa mga larong talagang nagpasaya sa mga panahon na bata pa lang ako. Kahit sabihin mo pang “harsh” ko naman upang maglaro ng ganyan, eh, wala akong magagawa kasi ito ang isa sa mga larong aking nakagisnan. Gaya nga ng sabi ko, ako lang ang babaeng bata sa bahay namin, napapaligiran pa ng mga tito na talagang lagi kung kasama. Kaya nga di mo nalang matatanong kung bakit ako na-iinganyo sa mga larong panlalaki. Aaminin ko nalang, may mga Barbie dolls ako dati, ang dami nga eh, kaso ginagawa lang naming mga hostage kung saan ay aming ililigtas mula sa kamay ni satanas. Minsan pinuputulan namin ng buhok at ginagawa pang “suicide bomber” daw kung saan yun ang mga hinahanap ng mga kampon ng tagapagligtas – at kami iyon. Sa dami naming naglalaro, syempre may mga “team” kami – TEAM ANGEL at TEAM DEVIL. Talagang yan ang mga pangalan ng mga grupo ng manlalaro ng barilbarilan sa amin. Syempre, misyon ng TEAM ANGEL ang mahuli at mapatay upang makabayad sa mga masasamang bagay na ginawa ng mga TEAM DEVIL. Bang! Bang! Bang! Tinamaan ang si Devil, sabay tumba “with all the feelings pa”. Ubusan ng lahi, ikaw nga. Ang talo, eh, syempre ano pa nga ba, sila ang maghahanda ng merienda, hugas pa ng pinggan pagkatapos. Sabay nakasimangot pa ang mga talo, habang busog ang mga nanalo. Hindi naman sa barilbarilan ang laro, eh talagang madugo na ang labanan. CHAR! Syempre walang personalan lang, at mga ginawang baril lamang ang mga gamit namin na ginagawa ng lolo ko na gamit lamang ang mga kahoy na pinagsamasama. Pwede na rin ang water gun. Sa kasamaang palad, ako ay laging napapabilang sa TEAM ANGEL, kaya nga palaging misyon ko ang sugpuin ang mga masasamang elemento sa mundo. Laging “most wanted” sa listahan ko ang kapatid ko, yung tumawag sa akin na sira ulo daw ako. Hehehe! Ang larong ito ay tinuruan akong maging malakas at huwag magpatalo sa mga masasamang damo sa mundo. Tingnan niyo, di lang puro kasiyahan ang tinuturo ng paglalaro. May mga leksyon din ang mga ito.




    Ang dalawang larong aking naibahagi – Barilbarilan at Lutulutuan ay hindi lang nagdulot sa akin ng kasiyahan sa buhay ng aking pagkabata. Ito ngayon ay may naituro sa aking paglaki at ito ay aking nagagamit. Tulad ng lutulutuan, ngayon ako na ang inaasahang tagapagluto sa bahay. Minsan na nga akong nakapagluto para sa isang malaking handaan sa pamilya o di kaya mga kaarawan. SUCCESSFUL naman! Out of budget nga palagi ang aking mama sa mga groceries dahil sa mga pinapabili kong “ingredients” sa pagluluto at ginagawa ko lang eksperimento at umaabot pa ng tatlong beses bago ko ito maperpekto. Kaya nga ang kapatid ko na minsan na akong inasar na sira ulo, eh, ngayon ay hindi nakakakain kapag inaaway niya ako. Ang baribarilan naman, eh, ginawa akong isang matatag na babae. Tinuruan ako nito kung paano huwag matakot sa mga taong umaapi at tumatapak sa pagkatao mo ng basta basta lang. Tinuruan akong huwag matakot sa mga masasamang elemento sa mundo, dahil sa Diyos ka lang dapat matakot at wala ng iba. Peru, buti nga di pumasok sa isipan ko ang magpulis eh. Baka nahimatay na papa ko kapag ito ay aking ipinagkatuparan.
    Ang mga laro sa panahon ng ating kabataan ay hindi lamang nakapagbibigay ng kasiyahan, dahil kung ito ay talagang iyong iisipin, walang bagay sa mundo ang bigla nalang naimbento na wala man lang leksyon na matututunan mula dito. Kung ako sa mga musmus na mga bata ngayon, habang wala pa kayo sa sitwasyon kung saan maraming bagay na ang mas dapat bigyan niyo ng importansya ay sana magsaya kayo na para bang wala kayong pakialam sa mundo. Dahil minsan niyo lang mararanasan ang mga panahong iyan. Kasi, kung ako ang mapagbibigyan, gusto ko maulit ang mga panahon na wala pa akong ibang iniisip at iisipin maliban sa isang bagay – MAGLARO.

No comments:

Post a Comment