Sunday, October 9, 2011

Balik Tanaw

Likas sa ating mga Pinoy ang mahilig maglaro. Dahil dito, nakakabou tayo ng bagong pagkakaibigan. Napakayaman ng kultura ng Pilipino lalung- lalo na sa mga tradisyunal na mga laro. At ang mga ito ay sadyang nakaka- aliw, at ang iba ay bunga ng mga malilikhaing imahinasyon. Hindi lang mga bata ang pwede o may kakayahang maglaro nito , kundi pati din ang mga matatanda.   
    Pag nakakakita tayo ng mga batang naglalaro sa kalye o sa bakuran ay di nating maiwasang mapahinto at mapanood sa kanilang laro. Sa magkasabay’ng hiyawan ng mga manlalaro, ‘di din natin mapigilang mapasabay sa kanila.
    Sadyang kay rami nating mga laro na  nilalaro nating mga Pinoy .Ang ibang laro nga ay nilalaro natin sa gabi, kahit alam nating papagalitan at hindi tayo papayagan ng ating mga magulang dahil sa ayaw nilang magkasakit tayo. Pero, alam naman natin na tayong mga Pilipino ay may likas na matigas ang ulo. At nagagawa din nating sawayin ang mga utos ng ating mga magulang para lang makasali sa laro at makisaya.
    Ito ang mga ilang laro na mahilig laruin ng mag Pilipino. Andito ang Patintero, Luksong- lubid, Taguan, Bahay- Bahayan, Jack-en-poy, Luksong Baka, Siyato, Tumbang preso, Slipper Game, Chinese Garter, “Bulan-Bulan”, at marami pang iba. Halika! at balikan natin ang ilang mga larong Pinoy
    Ang patintero ang pinakakilalang larong Pinoy . Kahit ‘san ka magpunta, alam ito ng lahat. Sa paglalaro mo nito, ang kailangan mo lang para hindi ka mataya  ng kalaban ay ang maging maliksi at mabilis. Ang basehan naman sa pagkakapanalo nito ay ang paramihan ng puntos na kung saan dapat kang makailang beses na makapasok at makabalik sa home base.
    Ang luksong lubid naman ay gumagamit ng isang mahabang lubid na kung saan ito ay papaikutin ng mabilis ng kabilang grupo, habang ang mga manlalaro naman ay lulukso. Natitigil lang ang pag- ikot nito pag tumama ang tali sa paa ng lumulukso, at dito na papalitan ang mga manlalaro.
Ang taguan o “taguanay” sa Cebuano ay isa ding sikat na laro ng mga Pilipino. Walang limitasyon sa bilang ng tao kung ilan ang sasali. Isa lang ang magiging taya sa larong ito, na kung saan siya ay sasandal at pipikit sa isang  pader o kahoy na magbibilang hanggang 20-30. Pag nagsimula nang magbilang ang taya ay kanya- kanya ng maghahanap ng matataguan ang mga manlalaro. Pag natapos na ang pagbibilang  ng taya ay magsisimula na ang kanyang misyon na hanapin  ang mga nagtatago. Sa larong ito, dapat maghanap ng paraan ang mga manlalaro kung papano sila makakapunta sa home base. Pag nakarating na sila sa home base ay dapat silang sumigaw ng “save”. At lahat ng nakita at hindi nakita sa pinagtataguan ay ligtas na.
Sa bahay- bahayan naman, nilalaro ito sa pamamagitan ng pagpapanggap o may tatayong mama, papa, ate , kuya at bunso o kahit anong gustuhing karakter  ng mga manlalaro. Sa larong ito, ang bawat karakter ay magbabahagi o mag- aambag ng bigas na siyang lulutuin ng tumayong nanay at magluluto din ito ng ulam na ang pangunahing sangkap ay gulay. Hanggang sa maluto ito, at sabay sabay silang kakain.
Luksong Baka “milo-milo” sa Cebuano. Sa larong ito, ang isang manlalaro ay bahagyang tutuwad habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod. At ang mga kalaro nito ay isa- isang tatalon sa kanyang likuran na hindi natatamaan ang iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Dahil pag sino ang nakatama nito, siya ang papalit sa taya.
Ang jack- en- poy naman ay nilalaro ito gamit ang kamay. Ang mga galaw na ginagawa nito ay ang papel, bato at gunting. Kadalasan itong nilalaro ng dalawang tao. Habang nilalaro naman nila ito ay kasabay nilang kinakanta ang “jack- en- poy, hali, hali hoy ! Sino ang matalo siya’ng unggoy !”
Chinese Garter, ang kadalasang nilalaro ng mga babae at bakla. Dalawang grupo ang magkalaban sa larong ito. At goma na kasing-lambot ng isang garter ang ginagamit sa paglalaro nito, kung saan ito ang tinatatalunan ng bawat miyembro sa grupo. Ang goma ay magsisimula sa may paa at hanggang sa ito ay umabot o lumampas sa ulo. Dapat lahat ng miyembro sa grupo ay matawid ang goma, dahil kung hindi sila na naman ang hahawak sa goma.
Lahat ng larong nabanggit sa itaas ay hindi lang basta- bastang laro dahil sa mga larong ito, nalilinang ang ating pakkikipagkapwa at nakakatulong din ito sa ating paggawa ng mga desisyon na siyang alam nating nakabubuti sa atin. Ang paglalaro ay isa ding mainam na ehersisyo sa katawan, kung saaan natin nagagalaw at nagagamit ang lahat ng bahagi ng ating katawan, hindi lang ang pisikal na kaanyuan kundi pati na din ang pag- iisip at pag- uugali natin. At tinuturuan din tayo nitong maging alisto at alerto sa lahat ng bagay.
Pero habang tumatagal, parang nakakalimutan na nating mga Pilipino ang mga tradisyunal na laro. Parang kakaunti na lang ang gumagawa o naglalaro nito. Ito ay dahil sa natatabunan na ito nang mga makabagong teknolohiya, na siyang dahilan kung bakit kadalasan sa mga batang Pilipino ngayon ay tamad. Palagi na lang kasi silang nakaharap sa kompyuter, naglalaro ng online games. Nabababad sila ng mahaba sa radiation kaya sila bakit nawawalan ng gana o nanghihina at palagi na din itong nakadepende sa kompyuter. Hindi na nila masyadong na eehersisyo ang kanilang mga katawan sa kadahilanang mas pinipili nila ang umupo na lang at pumipindot pindot ng iilan sa mouse at keyboard. ‘Di pareha sa mga laro natin nuon na kung saan hindi lang monitor, mouse at keyboard ang kasama mo, kundi mga totoong karakter o kalaro talaga ang kasama mo.
Kaya tayong mga nakakatanda sa kanila, ipakita natin sa kanila kung gaano kaganda at kasaya ang maglaro sa labas, kung saan preskong hangin ang iyong malalanghap. Kesa nakakulong ka lang sa bahay o internet cafe na ang init init at ang palagi mong maririnig ay yung mga di- pamilyar na salita sa iyo, kung saan kalimitan di mo naiintindihan o kalimitang di kayo magkakaintindihan. ‘Di pareha sa laro natin noon, na  kung saan ang lahat ay nagkakaintindihan, ilang hiyawan lang alam na ang ibig pinababatid nito. Ang mga tuksuhan ng bawat grupo. Ang bawat “nyeyeye” ng nanalong grupo sa natalong grupo at ang mga asaran nito. Kay sarap balik- balikan ng mga pangyayaring ito.
Ngayon, ang lahat ng ito ay malimit na nating naririnig sa mga kalye o bakuran. Kaya muli nating buhayin at ibalik ang ingay sa mga kalye na pawang mga hiyawan lang ng mga bata o mga kabataang naglalaro. Dahil ito ang muling magbibigay kasiyahan sa ating pamayanan at ito din ang nagbibigay kulay sa ating kamusmusan. Kaya huwag nating kalimutan o ibura sa ating mga isipan na ang bawat laro ng Pinoy ay isang palatandaan ng isang lahi at ang sagisag nang ating pagka makabansa at atin itong ipagmalaki sa buong mundo.
   

No comments:

Post a Comment