Mga Laro Noong Bata Ako
Noong unang panahon ay hindi pa masyadong sikat ang mga
teknolohiyang nagagamit natin ngayon. Kung ano ang nakikita, yun lang ang
ginagamit at nakukuntento na. Natural kasi sa mga bata ang hilig nila sa laro.
Ewan ko ba’t sa tingin ko ay hindi nakukumpleto ang araw nila kapag hindi
nakakapaglaro. Ang paglalaro ay isa sa mga paraan upang mapasaya ang mga bata.
Tuwing nakaka-kita ako ng ilang batang naglalaro ay naaaliw ako at nakakaramdam
ako ng tuwa, kusa na ring bumabalik ang aking nakaraan. Naaalala ko pa na
parang kahapon lang ang madalas kong paglalaro sa dating eskwelahang
pinapasukan ko, tumbang preso ang palagi naming nilalaro ng mga dati kong
kaklase kapag oras ng resses. Madalas pa
nga kaming pagalitan ng guro dahil basang-basa na ng pawis ang mga likod namin
at wala pa kaming dalang ekstrang damit. Hindi lang sa paaralan natatapos ang
aking paglalaro, pagdating sa bahay ay ang mga kapatid at pinsan ko ang kasama
ko sa paglalaro. Habulan ang una naming nilalaro, malawak kasi ang bakuran ng
lola namin kaya’t nakakapaglaro kami ng maayos doon nang walang nasisirang
kahit anong bagay. Minsan naman ay agawan-base, masaya kasi itong laruin lalo
na’t hindi nawawala ang tawanan. Bukod sa naaaliw tayo sa paglalaro ay ang
tuwang nadarama at tawanang nagaganap ay ang pinakamasarap na parte ng
paglalaro. Paborito ko yung patintero kasi palaging may nag-aaway sa larong
yun, ayaw kong isipin mo na sadista ako ngunit naaaliw kasi ako sa pagiging
referee ng mga nag-aaway, ako ang palaging pumapagitan upang hindi matuloy ang
namumuong bangayan ng magkabilang kampo. Ang mga laro noon ay ang isa sa
pangunahing dahilan kung bakit nakakakilala tayo ng ibang tao at nakakabuo ng
pagkakaibigan. Napapatibay din nito ang relasyon ng kahit sino. Kapag walang
kuryente, sa halip mainis ay sumasaya pa kami ng mga kapatid ko kasi nalalaro
namin ng mabuti ang taguan, mas matagal kasi makita ng taya ang mga nagtatago
kapag wala talagang ilaw. Nagiging mas malaking hamon sa taya ang paghahanap sa
ibang manlalaro. Lilituhin naman ng mga manlalaro ang taya upang mahirapan ito
sa paghahanap. Hindi parin nawawala ang tawanan sa kahit anong laro. Kapag
walang pasok, pagkatapos gawin ang mga asignatura ay pinapayagan na kaming
maglaro, tumbang preso ang nilalaro namin. Sa tingin ko ay nakaugalian na
talaga ng mga Pilipino ang larong-kalye. Ang mga bata noon magpa-hanggang
ngayon ay nilalaro pa rin ito. Nakakaugalian na itong laruin mga bata kapag
walang ginagawa. Napapaisip tuloy ako, dahil sa modernisasyong tinatamasa ng
ating mundo ngayon nagiging mas moderno na rin ang nilalaro ng mga bata. Sa
halip na naghahabulan at nagtatawanan sa bakuran ang mga bata ay naroon na sila
sa loob ng kwarto at naglalaro ng kompyuter nanghihinayang tuloy ako’t hindi
nila mararamdaman ang sayang hatid ng paglalaro sa labas. Ang kapatid ko nga na
dati rati’y tinuturuan ko ng larong chinese-garter ay hindi mo na mapipilit na
lumabas upang sumali sa mga larong pambata. Nakaharap na lamang siya sa
kompyuter at doon naglalaro. Umiiba na kasi ang mga ugali ng tao,nangangamba
tuloy ako na baka mababago na nito ng
tuloyan nito mga naka-ugalian at darating ang panahon na mawawala na
lamang na parang bula ang mga laro na dati’y kay saya nating ginagawa.
Nakakatakot isiping magiging isang magandang ala-ala na lamang ang lahat. Iyan
dapat ang iwasan nating mangyari dahil ang larong-pambata ay mabuti rin namang
ihersisyo. Nasasanay kasi ng paglalaro ang isip, mahilig din kasi akong maglaro
ng mga manika at masasabi ko talaga na napapalawak talaga nito ang imhinasyon
ng isang bata. Bukod dun’ ay marami pang ibang mabuting naidudulot ang
paglalaro. Maisaisip sana natin ang kahalagahan ng paglalaro, hindi lang kasi
ang aliw at tuwang nadarama ang importante dito mas malaki kasi ang mawawala sa
atin kapag tuloyang mawala o maglaho ang mga larong kinagisnan ng mga ninuno
natin. Dahil kasi sa mga larong nabanggit ko ay nakilala ko ang mga taong
naging matalik kong kaibigan hanggang ngayon. Nakakilala ako ng mabubuting tao
dahil na rin ditto kaya’t malaki ang pasasalamat ko dahil may mga ganitong laro
akong nakagisnan. Ang mga alaalang nabuo habang naglalaro kasi ang nagbibigay
ng mas malalim na kahulugan dito. Kaya’t importanteng-importante para sa akin
ang mga larong pambata o larong-kalye kung tawagin dahil isa ito sa
nakapagbigay ng mahahalagang alaala na hindi ko makalimutan hanggang ngayon. Patintero,
tumbang preso, agawan-base at Chinese-garter ay ilan lang sa mga laro noong
bata ako.
No comments:
Post a Comment