Monday, October 10, 2011

Laro Lang, walang personalan

Naranasan mo na bang maging masaya sa pamamagitan ng simpleng laro? Kung oo, naranasan mo na rin bang umiyak, magalit, mainis, at mandaya? Kung oo pa rin, isa lang ang masasabi ko, pareho pala tayo.
    Hindi na bago para sa ating mga kabataan ang umiwas sa mga larong pambata. Hindi dahil mabibigat na ang mga seksing katawan natin kundi dahil ayaw nating mapawisan, sayang naman ang make up, lipstick at kung ano-ano pang kolorete sa mukha kung mabubura lang. Hindi lang naman iyon ang rason, ang iba ay sadyang kj (killjoy) lang talaga. Kahit ganoon pa man, hindi natin mapipilit ang isang tao sa kanyang gustong gawin.
    Balikan natin ang ating pagiging maliliit at mga kyut na mga paslit (teka, kyut pa rin naman tayo hanggang ngayon ah). Lahat tayo ay may iba’t ibang laro na kinagisnan, ngunit kung paghambingin ang mga ito ay wala rin naman palang pinagkaiba. Sa aking natatandaan, mas gugustuhin pa nating magpaa nalang habang naglalaro at walang pakialam kung marurumihan man ang puting uniporme.
    Sa lugar namin, sa bayan ng Bagumbayan, lalawigan ng Sultan Kudarat, ay may iba’t ibang laro ding nalalaman. Saang dako kaman lumingon ay maririnig mo ang mga hiyaw at sigaw ng mga batang nagsasaya sa kanilang laro. Takbo rito, takbo roon. Kay sarap  balikan ang pagiging bata, parang walang problema, basta ang tanging alam ay maging masaya.
Ang larong bakbakanay sa amin, ay pawang libangan ng mga batang lalaki. Gamit ang dalawang pares ng tsinelas, ihahanay sa kabilang dulo ang isang pares nito at titirahin ng mga manlalaro ang tsinelas ng kalaban, kapag naubos nang tumira ang lahat ay pupunta naman agad sila sa kabilang dako at titirahin na muli ang kanilang sariling tsinelas. Ang sinumang mauunang makalagpas sa finish line ang siyang panalo. Para naman sa kulelat, papaluin ng tsinelas ang kanyang talampakan, siyempre kailangang masakit, kung sa aming salita, “dapat nang ga biti gid.”
Tumba eks. Isa rin itong larong tsinelas. Sa larong ito, nasusukat ang kakayahan ng mga manlalaro ang kanilang potensyal sa pagtarget ng isang bagay. Pagdikitin ang isang pares ng tsinelas na parang eks, papatayuin ito gamit ang isa pang tsinelas. Titirahin ang naka-eks na tsinelas at kapag natamaan ito, congratulations, hindi, biro lang. Huhulihin kayo ng kalaban gamit ang tsinelas, kailangang daglian itong mapatayo bago madiskwalifayd ang lahat. Mahusay ka sa larong ito kapag marunong kang dumiskarte sa pagpapatumba at pagpapatayo ng tsinelas.
Nakabubuhay naman ng enerhiya ang larong ex-o. Larong tsinelas pa rin. Magkakaroon ng maraming pares ng tsinelas. Mula sa nakakalat na mga tsinelas ay kailangan niyong magstruggle para pagdikitin ang dalawang pares. Medyo katulad ito sa larong tumba eks, kaya lang marami ng mga eks. Kapag napagdikit mo na ang lahat ng mga tsinelas ay muli nyo naman itong tatanggalin para makaipon kayo ng isang puntos. Masaya, diba?
    Panghuli sa mga larong tsinelas ay ang winner. Itatago ng isang grupo ang isang espesyal na tsinelas, kapag napagtantya ng kabilang grupo kung sino ang nagtatago ng tsinelas ay tititrahin niya ito ng tsinelas din. Medyo masakit nga lang sa katawan kung tatamaan ka ng tsinelas lalo na kapag lalaki ang titira sa iyo. Kahit na nakakapagod ito, mag-eenjoy ka pa rin.
Lantay-lantay, patintero sa salitang Filipino, ay isa rin sa mga popular na laro sa amin. Binubuo ito ng tatlo o higit pang manlalaro. Ang grupong makakaipon ng malaking puntos ang siyang panalo. Hindi lang ito basta isang laro, nakatutulong din ito para mapahusay ang talento ng manlalaro sa pag-iisip ng mga estratahiya para makapuntos ng walang kahirap-hirap.
Sino ba naman ang hindi makakakilala sa larong jackstone? Sa katunayan, isa nga ako sa pinakamahusay maglaro nito sa kampus namin. Biro lang, pero depende kung maniniwala kayo. Kung walang kang P6.00 pambili ng jackstone ay marami pa naming alternatibo na mga bagay na pasok din para tawaging jackstone. Jolen o iyong puting bola sa roll-on ay pwede nang gawing bola at mga maliliit na mga bato. Kahit papano ay makatitipid ka, kaya lang, parang cheap tignan.
Kung pataasan naman ng talon ang pag-uusap, hindi magpapatalo ang larong Chinese garter at baby garter. Kung hindi ka mataas tumalon, tumambling ka na lang o di kaya ay magrequest na pababaan yung tali. Maliban sa mataas kang tumalon ay magiging flexible pa ang seksi mong katawan. May health benefit din naman.
Ilan lamang iyon sa mga larong kinababaliwan namin noong sa elementarya pa kami. Nang tumuntong na kami ng sekondarya ay hindi pa rin mawawala ang pagkahilig namin sa mga larong pambata. Inaamin naming nagkukunwari na kaming mga Filipinang dalaga sa kilos naming mahinhin. Pero, huwag ka, pagdating sa laro ay iyon, lumalabas na talagang isip bata pa.
Lantsug, pangit man pakinggan ay nakakaaliw din naman. Isa itong laro sa gitna ng dalawang grupo. Ang bawat isa ay may base na dapat protektahan para hindi makalapit ang kalaban. Masayang laro ito, pero paminsan-minsan lang ako nagkakaroon ng gana sa paglalaro nito sapakat napakainit sa lahat ng panahon. Alam niyo naman, ika nga, masisira ang kutis.
Hindi rin mawawala ang habulan, na alam na ata ng lahat. Mayroon ding Jollibee-Jollibee. Parang habulan din ito ngunit may mga kunting pinagkakaiba. Sasabihan ng taya ang kanyang nahuli ng “Jollibee!” at ang nahuli ay hihinto, bawal gumalaw at huwag magkakamaling ipakita ang kanyang nigipin. Para makawala sa sumpa, ang mga kasamahan niya ay aabutin siya sabay sabing “Hamburger”. Pwede na rin palang pang-isnak ang larong ito.
Usong-uso rin ang 21-21. Isa lamang ang taya nito, ang sinumang mahuhuli ay kapwa niya na taya, kumbaga pareho na silang aswang. Kapag naging taya na silang lahat ay mag-uunahan sila sa pagbigkas ng salitang “Viva!”. Ang mahuhuli ang siyang susunod na taya.
Usapang tagu-taguan naman tayo. Sa aming dayalek, olok-olok kabayo ang tawag namin dito. Magbabahagi ako ng linyang ginagamit namin para dito. Ito iyon. “Olok-olok kabayo, sinakyan ni Fernando, Fernando nga tulisan, panago kamo tanan. Ang madakpan siya aswang play.” Kyut diba? Oo nalang para walang gulo. Bongga!
Hindi mauubos ang isang dekada kung iisa-isahin ko pa ang iba pang mga laro sa amin. Hindi na kasi nilalaro ng mga kabataan ngayon sa amin ang ibang mga laro tulad ng: lupa-langit, singkamas-singkamas, si Ana, dampa, teks, at marami pang iba. Moderno na kasi ang panahon ngayon kaya doon na sila nakikipagsiksikan sa internet shop at naglalaro ng counter strike, generals, dota at iba pa.
Kung titingnan nating mabuti, malaki talaga ang pinagkaiba ng mga laro natin noong mga bata pa tayo kumpara sa mga laro natin ngayong nasa kolehiyo na tayo. Wala nang naghahabulan sa buong maghapon, wala nang naglalaro ng patintero sa loob ng kampus, wala ka ring maririnig na mga argyumento dahil mayroong nandaya sa kanilang laro. Kung may nakikita man tayong naglalaro ay pasimple nalang. Siyempre, nagdadalaga at nagbibinata na tayo, pangit naman tignan kung hanggang ngayon ay isip bata ka pa rin. Merong mga ganoong tao pero kunti nalang. Kailangang din nating umunlad. Parte ito ng buhay ng bawat indibidwal.
Sumakatwid, hindi tayo maaaring maglaro habambuhay, hindi sa lahat ng panahon ay masaya, iyang kalaro mo ngayon ay unti-unting mawawala, hindi naman sa papanaw na, ngunit dadating din tayo sa punto na masasabi nating “ang laro ay isang simpleng paraan na naghahatid ng hindi mapaliwanag na saya”. Kahit iba-iba man ang lahi nating kinagisnan, kahit iba-iba man ang mga larong ating kinababaliwan, iisa lang ang hindi dapat kalimutan, pareho tayong may tuhod na nasusugatan.

No comments:

Post a Comment